Oo, galing yan sa planner ko 10 years ago. Wala kang planner non?
Baduuuuuuuuy! :P Okay joke lang.
Parang diary slash planner na nga ang nangyari diyan kasi aside from sinusulat ko kung kelan merong exam o merong due na paper or machine problem, sinusulat ko rin yung highlights ng araw na lumipas. Minsan eh emoticons lang at mga codewords ang gamit ko -- ako lang makakaalam kung ano talaga ang ibig sabihin non.
Hassle talaga ang meron kang klase sa Math building at kasunod mong klase eh nasa kabilang dulo ng mundo na after ten thousand years ka makakarating kung magiintay ka ng Toki na jeep.
Isang sem, meron kaming klase sa Math building, at ang kasunod neto ay isang EE class sa NEC (katabi ito ng Engg). Ang gawain namin ng blockmate ko eh maglalakad galing sa Math papuntang NEC , kasi bibihira ang Toki jeep ng ganong oras. Ang daan namin non ay galing sa likod ng Math, lalabas kami sa may UP Elementary School, Narra Hall at Educ. Pagdating doon ay kakanan kami papuntang AS at dadaan saglit sa may tambayan sa Main Libe walk. Galing sa Main Libe walk, didiretsuhin na namin papuntang NEC.
Sa isang araw na tinatahak namin ang rutang yan, biglang merong humintong kotse sa tabi namin, ng papalapit na kami sa Main Libe walk.
"Uy" bati ng blockmate ko sa kanya.
"San kayo?" ang bati ng driver samin habang pababa ang bintana.
"Sa NEC" sagot ng blockmate ko.
"Hatid ko na kayo". Sumakay ang blockmate ko sa likod. So I guess, sa harap ako uupo.
Hindi ko na alam ang sunod na nangyari. Alam kong merong mga tanong na naitanong ("Anong class niyo?" "Sinong prof?") at may mga sagot na sinagot ("EE14" "Si Sir Hindi-Ko-Na-Maalala-Ang-Pangalan-Niya-Ngayon").
Di ko nga lang alam kung nakaimik ako o kaya nakapagsalita man lang.
Pero ramdam ko na merong isang malaking ngiti na gustong magpakita sa aking mukha. Ramdam ko na bumibilis ang tibok ng puso ko at biglang nanlamig ang mga kamay ko. Hindi ako makatingin ng diretso sa nagmamaneho, pero gusto ko siyang pagmasdan.
Sa ilang segundo na yon, na nagmaneho siya galing sa Main Libe walk papuntang NEC, meron akong realisasyon. Isang realisasyon na magbabago pala ng buhay ko. As in forever.
Fine, kukingina. May gusto na ako sa kanya.
Nang makarating kami sa NEC, ang nasabi ko lang ata eh "Thank you" with matching ngiti. Sabay baba agad at kinaladkad ang blockmate ko sa isang sulok. Sinilip ko saglit kung nakapagmaneho na siya paalis.
At nung nakita ko na wala ng pulang VW Polo sa aking sight, ako ay nagtititili.
Fine, kukingina. May gusto talaga ako sa kanya.
Halos tatlong buwan na kulitan sa tambayan at sa telepono, at ni minsan hindi ko binigyan ng kahulugan. Kulang sa limang minuto na pinagmaneho niya kami galing sa Main Libe hanggang NEC, nagtititili ako bigla.
Fine, kukinginashet naman. May gusto rin kaya siya sakin?
Ay saglit... pareho nga pala kaming may sabit...
---
Obvious naman na kung bakit "VW POLO" ang codeword sa planner ko noong ika-27 ng Agosto 1998? ;)
No comments
Post a Comment