Sa lahat ng mga taong inaasahan kong makakapunta ng EDSA Dos, si Nena pa talaga ang hindi sumipot. Tsk, tsk! Tumakas pa man din sya sa probinsya nila. Nang makarating siya sa Manila, nakaalis na si Erap sa MalacaƱang at nanunumpa na si Gloria sa Edsa.
Isang tibak si Nena. Hindi ko naman ito nahalata n’ung una ko siyang nakilala. Blockmates kami at di ko naman napansin na may potensyal siyang maging isang tibak. Akala ko, n’ung sumali siya sa isang rally kontra sa CPDP (naaalala niyo pa ba yung issue na yun?) eh, nagpapacute lang siya sa mga boys sa block namin.
Normal naman kausap si Nena. Inamin niyang crush niya ‘yung blockmate namin na mala-Robin Padilla ang dating. N’ung pinanood namin yung “Hercules”, pareho kaming tuwang-tuwa kay Zeus (“Uhm, Olympus would be THAT way”). Sabay naming nadiskubre ang bisyo ng paninigarilyo, at magkasama kaming nagtatago sa mga taong kontra sa pagyoyosi namin. Pumapasok lang kami ng ES 11 dahil sa teacher namin, kahit na pareho kaming bagsak-bagsak sa eksam. Pagdating sa lovelife ko, memorized niya ang mga pinagdadaanan ko – sa mga litanya ko sa email at sa mga kuwentuhan sa tambayan. Madalas ang panonood niya ng UAAP games at padaan-daan sya sa gym. Normal ang buhay. Normal ang pinagkakaabalahan.
Bukod pa d’un, may iba pa siyang pinagkakaabalahan. May mga RTR, flyers na pinamimigay, meetings na pinupuntahan. Magugulat na lang ako kapag matyempuhan ko ang isang rally na padaan at makita ko siya roon. Dumami na rin ang mga kuwento niya tungkol sa mga adventures niya at sa mga bago niyang mga kakilala. Sa isang rally na pinuntahan niya, nabalitaan ko na nakaladkad siya ng mga nagdi-disperse na guwardiya. Nagsimula akong mag-alala para sa kaibigan ko.
N’ung third year kami, naging part-time na estudyante na lang si Nena. Hindi na siya pumapasok, iilan lang ang units na in-enroll niya. Minsan ko na lang din siyang nakikita – kung may RTR lang sila sa Eng’g o sa NEC o kung napapadaan ako sa Vinzon’s. Minsan, dumadaan talaga siya sa tambayan para makipagkuwentuhan. Hindi talaga ‘yun magpapahuli sa mga kuwento namin sa buhay at sa mga tsismis sa tambayan! Hindi rin niya makakalimutan na bigyan kami ng flyers at imbitahang sumali sa kung anu-anong rally.
Tuluyan ng nag-AWOL si Nena pagtungtong naming nang fourth year. Hindi na siya pumasok at wala nang balak maging estudyante. Naging malaking issue ito sa aming magkakaibigan – si Nena pa naman ang may pinakamalaking potensyal sa ‘min, tapos hindi na niya itutuloy ang pag-aaral! Nanghinayang kaming magkakaibigan sa desisyon niya. Siyempre, mas malaking issue ito sa bahay nila. Makalipas ang ilang buwan, pinadala siya ng mga magulang niya sa probinsya nila sapagkat
hindi nila makumbinse si Nena na mag-aral pang muli.
Bago siya umalis, ginawa kong ninang si Nena ng aking anak. Astig, ‘di ba? Ninang ng anak ko, isang tibak! Astig din ang mga regalo ni Nena n’ung Pasko at n’ung 1st birthday ng anak ko – mga pambatang aklat tungkol sa EDSA, child labor, at Chico River Dam! Kakaiba, ‘di ba? Ito ‘yung dahilan kung bakit ko siya ginawang ninang: upang mabigyan ng ibang perspektibo ang anak ko tungkol sa ginagalawan niyang mundo. Habang bata pa lang ang anak ko, gusto ko na siyang mamulat sa mga bagay-bagay na alam kong si Nena lang ang makapagtuturo sa kanya.
Nagkita kami isang araw sa tambayan. Kuwentuhan, update ng mga drama sa buhay. Pinasalamatan ko siya sa pagiging speaker sa report namin tungkol sa Communism sa Soc Sci II. Maya-maya’y, natahimik sya at binanggit na, “May sasabihin ako sa ’yo.” Gagawin na niya ang kinatatakutan naming magiging kahihinatnan ng pagiging tibak niya – mamumundok na siya.
“Eh, pano kung maabutan kayo d’un ng Balikatan? Anong gagawin niyo sa [panahong makaharap niyo ang] mga [sundalong] Amerikano?”
“Tinuruan naman kami, eh. P’ano umilag. P’ano dumapa.”
“Ha?!? Magdadala ba kayo ng baril? Magiging NPA ka na ba?”
“Hindi noh! Babalik ako sa October!”
“Mare, ingat ka na lang. Nena, bumalik ka ha!”
Umalis si Nena n’ung birthday ng anak ko n’ung April. “Eh, anong feeling mo, despedida mo?” tanong ng kaibigan namin. Marami sa amin ang asar kay Nena sa ginawa niya. Pinaglalaban ang karapatan sa edukasyon habang siya’y hindi nag-aaral! Hindi ko alam kung tama ba ang ginawa ni Nena. Natuwa na lang ako para sa kaibigan ko at nangako naman siyang sumulat.
Dumating ang isang sulat galing kay Nena ilang buwan nang nakalilipas. Isang sulat para sa lahat ng kaibigan niya, na puno ng kuwento sa pagsasaka niya, sa pag-inom ng kakaibang kape, sa pagkain ng ibang klaseng brown rice. Nami-miss daw niya ‘yung chocolates at kung anu-anong sweets. Ano na raw ang mga issues dito sa Maynila?
Naku! Nena, may trabaho na si Grace. Gagraduate na si Marie ngayong sem. ‘Yung kumpare mo, magnenegosyo na lang at ayaw nang kumuha ng matinong trabaho. Hindi ko na nakikita si Betchay – malamang nabuntis na nga siya. Nag-propose na ako ng thesis ko, at tinanggap without revisions. Marunong nang magbilang from 1 to 10 ang inaanak mo. Panalo nga pala ang Ateneo.
Pero, meron pa ring mahirap at mayaman, mga snatcher at holdaper sa mga kalye at mga magnanakaw sa gobyerno. Mataas pa rin ang dollar rate. Tumataas pa rin ang presyo ng gasolina. Hindi na yata mawawala ang banta ng TFI. Traffic pa rin kahit na ano pa’ng gawin ni BF, baguhin man niya ang traffic schemes ng lahat ng kalye, o magpaalis siya ng sidewalk vendors. Hay naku! Nena, parang walang nagawa ang mahigit tatlong taon mong pakikibaka.
---
Ano nga ba ang mensahe ko? Para sa ating mga hindi tibak, gusto ko lang ipakita na mayroon tayong mundong ginagalawan na mas malawak sa EEE. Huwag niyo masyadong problemahin yung exam na ‘yan, ‘yung boy/girlfriend niyo, na hindi kayo makagimik, na asar kayo sa parents niyo. Huwag kayong masyadong ma-depress na hindi niyo mapagana ‘yung CoE 115 niyo, na nakaka-imbyerna ‘yung teacher niyo sa EEE xxx, na pinagsasabay-sabay lahat ng MPs, problem sets and lab reports sa iisang linggo. May mga taong namumrublema sa kakainin nila bukas, kung saan sila matutulog mamayang gabi, at kung huhulihin ba sila ng pulis ngayon. Merong mga government officials diyan na walang inisip kundi p’ano tayo isahan. Dapat malaman niyo rin kung paano tumatakbo ang lipunan.
At para sa inyong mga tibak, at para sa iyo Nena, gusto ko naman ipaalala na may sariling buhay din kayo, may kaibigan, may pamilya, may kinabukasan. Sana makatapos din kayo, kasi alam ko namang naniniwala kayo sa kahalagahan ng edukasyon, ‘di ba? Hindi ba’t ito’y isa sa inyong pinaglalaban? Sana maasikaso niyo rin ang buhay niyo kasabay ng pagharap sa tungkulin sa sambayanan.
Sobrang nami-miss ko na talaga si Nena.
---
Labing-dalawang taon na ang lumipas. Nakakaimbyerna pa rin ang traffic. Wala na ngang wang-wang, pero meron namang special escorts na naka-motor with matching lights. Mas marami ng kalokohan ang mga kriminal ngayon. Pahirap ng pahirap ang mga mahihirap, at payaman ng payaman ang mga mayayaman. Parang walang nagbago.
Labing-dalawang taon na ang lumipas. Hindi na ako software developer, nasa Marketing na 'ko ngayon. Nasa high school na ang inaanak mo, at salamat sa Diyos, wala pang boyfriend. Malapit ng ma-annul ang kasal ko, at nagkatuluyan na si Ex at si Betchay. Friends kami ni Marie sa Facebook, pero hindi kami nagkikibuan. Madalas kaming mag-usap ni Tring and ni Grace sa Facebook, pero sana mas madalas kaming magkita. May someone ~special na pala ako. Marami na ang nagbago.
At ngayon, ikaw ay pumanaw na.
Ngayon, naniniwala ako na meron kang nagawa, na may naidulot kang pagbabago -- sa mga taong nakilala mo, sa mga komunidad na natulungan mo, sa mga grupo na magpapatuloy ng iyong trabaho. Sigurado ako na may naumpisahan kang pagbabago sa labing-dalawang taon mo sa kabundukan, hindi lamang doon, pero dito rin, lalo na sa mga taong naiwan mo sa Kamaynilaan.
Sobrang mami-miss talaga kita, Nena.
No comments
Post a Comment